"ANG BATANG DUKHA"
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App
"ANG BATANG DUKHA"
Ang kuwentong ito ang magpapatunay na ang kahirapan ay hindi hadlang para maging maunlad sa ating buhay. Inyo pong tunghayan ang kuwentong ito na magbibigay sa inyo ng aral at inspirasyon.
ISA ang batang si Owen sa mga hinahangaang estudyante ni Teacher Arlene. Masuwerte siya dahil naging estudyante niya ito ngayong school year na ito. Hindi ito palasagot sa mga discussion pero matataas naman ang markang nakukuha nito sa mga exams, projects, at assignments. Kapag oras ng break time ay hindi ito bumababa sa canteen para bumili ng pagkain. Nakatunganga lang ito sa desk nito habang titingin-tingin sa mga kaklase nitong kumakain.
Sa totoo lang ay maraming mga katanungan si Arlene tungkol sa batang ito na ubod ng tahimik sa klase. Para itong munting anghel sa kanyang paningin. Walang bahid ng masasamang gawi ang batang ito. At ang katangiang ito ni Owen ang nagpahanga sa guro. Isang katangian na bihira na lamang makita sa karamihan sa mga estudyante ngayong modernong panahon.
P.E time ng hapon na iyon. Lahat ng mga estudyante ni Teacher Arlene ay nasa quadrangle ng kanilang pampublikong paaralan para maglaro ng mga mumunting aktibidades para sa mga Grade 5. Pagpunta niya sa quadrangle para tingnan ang kanyang mga estudyante ay napansin niya si Owen na nakaupo sa ikatlong baitang ng hagdanan ng library room na nasa gilid ng quadrangle katapat ng canteen. Nakayuko ito na parang nakatingin sa semento. Para bang ang lalim ng iniisip nito na hindi naman malaman ni Teacher Arlene kung may problema ba ito.
Naisipan niya na lapitan ang bata at kausapin. “Owen, bakit nariyan ka lang? Ayaw mo bang makipaglaro sa mga kaklase mo?” tanong ni Arlene at hinawakan nito ang balikat ng bata.
“Hindi po ako mahilig maglaro,” matamlay na tugon ni Owen. Nanatili itong nakatingin sa lupa at hindi man lang siya nito nilingon o tinitigan.
Saglit na natahimik si Arlene at nag-isip ng sasabihin. “Gusto mo na bang umuwi?”
Tumango lamang ng dahan-dahan ang bata habang nakatingin pa rin sa lupa.
Napalunok ng laway si Arlene bago muling nagsalita. “S-sige ayusin mo na ‘yang mga gamit mo at puwede ka nang umuwi. Mag-iingat ka, ha?” Hindi na binawi ni Arlene ang kanyang sinabi. Hindi kasi siya mapanatag kapag nakikitang ganoon kalungkot at katamlay ang bata kaya pinauwi na lamang niya ito.
Mayamaya ay may isang estudyante na lumapit kay Teacher Arlene. “Ma’am, pinapapunta po kayo ni Sir Teopelo sa Principal’s Office,” sabi nito sa kanya.
Nagtaka naman si Arlene. “Ha? Bakit?” Kunot-noong tumayo ito sa kinauupuan at tinungo ang Principal’s Office. Nagtaka siya kung bakit siya pinatatawag ng principal. Medyo kinabahan siya dahil batid niya na sa tuwing may pinapatawag na guro ang principal ng paaralang iyon ay meron itong hindi magandang sasabihin.
Pagpasok niya sa loob ng air conditioned na opisina ng punong guro ay nakita rin niya ang isa pa niyang estudyante na si Jacob na kausap ng principal.
“Good afternoon, Mrs. Bautista. Gusto ko nga palang sabihin na itong estudyante mong si Jacob Francisco ay nagnakaw na naman ng pera sa bag ng katabi niya!” Sabay dampot ni Mr. Teopelo sa perang nagkakahalaga ng isang daang piso na nakapatong sa kanyang lamesang de salamin. “Kanina ay pinakapkap ko sa security guard ang batang ito. At alam mo ba na natagpuan ang perang ito sa ilalim ng kanyang sapatos!” galit na sabi ng principal at muling tinitigan ng masama si Jacob na nasa harap niya ngayon at nakayuko dahil sa kahihiyan.
Hindi alam ni Arlene kung ilang laway na ba ang nalunok niya habang nagsasalita ang principal. Kapag ganoon na ang tono ng pananalita nito ay nangangahulugang mainit na ang ulo nito.
“Isa kang guro, Mrs. Bautista. Responsibilidad mo ang mga bata na turuan ng magandang asal. Pero ano itong inaasal ng estudyante mong ito? Tama ba ito?! Ito ba ang natututunan ng batang ito sa klase mo?! Ang magnakaw?!” Halos panlakihan na siya ng mga mata ni Mr. Teopelo.
Napayuko na lamang si Arlene dahil hindi niya kayang humarap sa mabagsik na mukha ng principal. “P-pasensya na po, Sir. Sasabihan ko na lang po si Jacob tungkol dito,” ang tanging nasabi na lamang nito. Medyo nasaktan si Arlene sa sinabi ng principal sa kanya. Pakiramdam tuloy niya ay hindi pa siya isang ganap na guro dahil hindi niya nababantayan ng mabuti ang kanyang mga estudyante. Ito na ang pangalawang beses na na-report si Jacob sa Principal’s Office sa kasong pagnanakaw ng mga pera at kagamitan ng mga kaklase nito.
“Tandaan mo ito, Jacob. Ito na ang last warning mo. Kapag inulit mo pa ang ginawa mong ito, ipatatawag ko na ang iyong mga magulang at iki-kick out na kita sa paaralang ito! Sige! Makakalabas ka na!” Naunang lumabas si Jacob bago nakalabas si Arlene dahil pinagsabihan din siya ng principal at napagalitan nang hindi oras.
KINABUKASAN ay nagbigay ng proyekto si Teacher Arlene sa kanyang mga estudyante.
“Kailangan ninyong gumawa ng isang mosaic art sa isang maliit na illustration board. Nasa libro na ang mga materyales na kakailanganin ninyo. Ipapasa ninyo ito sa Lunes, nagkakaintindihan ba tayo?”
“Opo Ma’am,” sabay-sabay na tugon ng mga bata.
“Good! Okay, please stand and let us pray.” Pagkatapos magdasal ay nagsilabasan na ang mga estudyante dahil uwian na.
Nagpunta muna sa Faculty room si Arlene at saglit na inilapag niya ang shoulder bag sa kanyang table pagkatapos ay nagtungo siya sa CR. Pagkatapos niyang gumamit ng banyo ay nagbalik siya sa Faculty room at kinuha ang kanyang shoulder bag pagkatapos ay lumabas na ito ng paaralan at sumakay ng tricycle pauwi.
Pagkahinto ng tricycle sa harap ng kanyang bahay ay binuksan niya ang bulsa ng kanyang shoulder bag para kumuha ng pambayad. Subalit laking gulat niya ng makitang walang laman ang bulsa na palagi niyang pinaglalagyan ng pera.
“Hala! Saan napunta ‘yun?” nag-aalala nitong sabi. Hinalungkat niya ang laman ng kanyang shoulder bag. Pero hindi na niya makita ang pera niya roon na nagkakahalaga ng isang libong piso. “Diyos ko po!” nasambit ni Arlene at ibig niyang maiyak dahil ninakawan pala siya!
Humarap siya sa tricycle driver at sabay sabing, “Ah, manong, sandali lang po. Kukuha lang ako ng barya sa loob ng bahay. Pakihintay lang po,” sabi na lamang niya at pumasok sa bahay para kumuha ng pera na naipon niya sa kanyang alkansya pagkatapos ay muli itong lumabas at iniabot na sa tricycle driver ang sampung pisong bayad nito. Padabog na pumasok si Arlene sa loob dahil sa kanyang inis sa pagkawala ng pera niya.
KINAUMAGAHAN ay idineklara ni Arlene sa kanyang mga estudyante na nawala ang isang libong piso sa bulsa ng kanyang bag kahapon bago siya umuwi. At syempre, ang unang tinanong niya tungkol dito ay si Jacob. Pero nanlalaki pa ang mga mata na tumanggi ang bata.
“Hindi po ako ang kumuha!” Halos sigawan pa nito ang guro.
Napabuntunghininga si Teacher Arlene at pinigilan ang kanyang panggigigil sa bata saka siya nagsalita. “O, please, Jacob. Sino pa ba ang mapagbibintangan namin dito kundi ikaw lang? Dahil ikaw lang naman ang kaisa-isang estudyante rito sa buong iskwelahan na palaging nare-report sa Principal’s Office dahil sa mga pagnanakaw na ginawa mo! Ngayon ka pa ba magsisinungaling? Kung kelan last warning mo na ito?!” Pinagtaasan na ng boses ni Arlene ang bata sa sobrang galit niya.
“Pero hindi nga ako ang kumuha! Malay ko ba d’yan, Ma’am!” Parang hindi apektado si Jacob sa mga bintang sa kanya.
“Huwag mong hintayin na makarating na naman ito sa Principal’s Office, Jacob! Kapag nalaman ni Sir Teopelo na nagnakaw ka na naman, ipapa-kick out ka na niya rito!” Halos lumabas na ang mga mata ni Arlene sa sisidlan nito dahil sa sobrang galit.
“Hindi ka aamin?” Nanggigigil ang mga labing sabi niya. Hindi kumibo ang bata. Yumuko lamang ito.
“Hindi ka talaga aamin?” Nang hindi pa tumugon ang bata ay naubos na ang pasensya ng guro.
“Sige! Kung hindi ka aamin pupunta na ‘ko sa Principal’s Office ngayon. Tamang-tama. May CCTV pala sa Faculty room kaya makikita roon kung sino talaga ang nanloob at nagnakaw ng pera sa bag ko! Saka ka na lang umamin kapag nabisto na kita sa CCTV!” Matalim ang mga titig niya kay Jacob. Lumabas ang guro sa class room at nagpunta sa Principal’s Office para i-report ang pagkawala ng pera niya sa shoulder bag niya kahapon sa Faculty room.
Dahil walang nakakita sa kung sino’ng pumasok kahapon ng hapon sa Faculty ay pinanood nila ang CCTV camera na na-record kahapon. At ganoon na lamang ang pagkagulat ni Arlene nang makita kung sino ang nagnakaw ng pera sa bag niya. Ang pumasok sa loob ng Faculty ng mga oras na iyon ay si Owen at hindi si Jacob! Huling-huli sa camera kung paano ito nangalkal sa shoulder bag at kinuha mula roon ang isang libong piso at inilagay sa bulsa ng polo nito. Sinara pa nito ang zipper ng bag at inayos ang pagkakalagay sa table pagkatapos ay mabilis itong lumabas.
Hindi makapaniwala si Arlene sa napanood. Nanlaki ang mga mata niya at napanganga na lamang. Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakatunganga sa screen ng desktop habang iniisip ang batang si Owen na ubod ng tahimik at munting anghel sa pagkakakilala niya.
Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Arlene. Ayaw siyang patulugin ng kanyang iniisip ng mga oras na iyon. Nakaupo ito sa lamesa sa kanyang silid habang nakatunganga sa dingding. Hindi siya lubos makapaniwala na magagawa ni Owen ang magnakaw. Mabait na bata si Owen ayon sa pagkakakilala niya rito. Kahit noong unang araw ng klase ay napuna na niya ang pagiging tahimik nito at mahinhin. Hindi siya makapaniwalang sa likod ng mala-anghel na hitsura nito ay nagtatago ang mala-demonyong gawi.
Ngayon ay napatunauyan na niya sa sarili na totoo palang may mga taong akala mo’y mabait pero masama pala. Palagi niyang itinuturo ang topic na iyon sa mga estudyante niya noon pero sa totoo lang, dati ay hindi pa siya nakasalamuha ng mga taong mukhang mabait kahit masama ang ugali. Ngayon pa lang, ngayong nakilala niya si Owen na akala niya’y mabait na bata pero magnanakaw pala.
Naisip tuloy niya, ganito na ba kahirap ang mundo? Pati mga bata ay natututo nang magnakaw dahil sa sobrang kahirapan? Nasaan na ba ang ipinangako ng mga nanunungkulan tungkol sa daang matuwid? Ganito na ba ang sinasabi nilang ‘maunlad na pilipinas?’ Pati mga bata ay nagnanakaw at nanghoholdap na?
PAGKARAAN ng ilang mga linggo ay hindi na pumasok sa iskwelahan si Owen. Ang huling araw kung kailan ito nakitang pumasok ni Arlene ay noong nag-anunsyo siya na may project siyang ipapagawa sa mga bata at iyon nga ang mosaic art. Lalo tuloy siyang nag-alala. Habang nakaupo siya sa harapan ng class room ay pinagmamasdan niya ang bakanteng desk ni Owen. Hindi niya alam kung ano itong nararamdaman niya. Para bang gusto niyang makita ang bata at makausap. Totoo na merong mga taong masama ang ugali sa likod ng mala-anghel na pagmumukha nila. Pero malakas ang kutob niya na may dahilan kung bakit nagawa ni Owen ang bagay na iyon. At iyon ang nais niyang malaman…
Sabado nang araw na iyon. Habang naglalakad si Arlene papunta sa palengke para mamili ng mga gulay ay laking gulat niya nang makita ang batang si Owen sa tindahan ng mga asin na nakapuwesto sa bandang gilid sa papasok na palengke. Akmang lalapitan sana siya nito pero agad din itong umalis at sa dami ng mga tao na naglalakad sa palengke ay hindi na niya alam kung saan ito nagpunta para makalayo.
Sa halip ay nilapitan niya ang tindera ng mga asin at doon siya nagtanong.
“Ale, may itatanong lang ho sana ako,” magalang niyang sagot.
“Ano iyon?” Sabay lingon sa kanya ng tindera na parang masungit dahil palagi itong nakasimangot.
“Kilala n’yo ho ba ‘yung batang nandito kanina? Kaaalis lang ho niya,”
“A, si Owen ba?” Naku oo kilala ko ‘yun lalo na ‘yung mga magulang n’yan na marmi nang atraso sa akin! Sa totoo lang mas mahirap pa sa daga ‘yang mga yan! Mahigit limang daan na ‘yung utang ng mga ‘yan pero hindi pa rin nila binabayaran! Puro sila paawa! Halos magta-tatlong buwan na maski piso wala silang maibigay sa akin! Palagi kasi sila nangungutang ng asin sa akin dahil ulam daw nila! Aba’y nagulat nga ako sa batang iyon ngayon kung saan nakakuha ng pera para mabayaran ‘yung utang ng mga magulang niya! Nagulat pa nga ako at nakabili pa ng masarap na ulam ngayon! Yumaman yata ang mga dukha!” Halos magsisigaw pa ang masungit na tindera at hindi alintana ang mga taong nagdaraan at napapalingon sa kanya dahil sa talas ng bibig niya.
“Ahh… S-sige, maraming salamat ho!” Ang tanging naitugon ni Arlene at umalis na ito.
Pagsapit ng gabi ay nakahiga na sa kama si Arlene. Nakatagilid siya ng higa habang nakatulala sa aparador. Ang batang si Owen pa rin ang nasa isip niya. Lubos siyang naaawa rito. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat. Nagawang magnakaw ni Owen para mabayaran ang utang ng kanyang mga magulang. At ang isa pang bagay kaya lalo pa siyang naaawa sa bata ay nang malaman niya na asin lang pala ang inuulam ng mga ito.
Hindi siya lubos na makapaniwala na pati asin ay inuutang na ng mga ito dahil sa kawalan ng pera. Ibig niyang maiyak sa sitwasyon ng bata. Kung may magagawa lang sana siya para tulungan ito ay noon pa niya ginawa.
ARAW ng linggo. Maagang nagising si Arlene para magsimba. Pagkalabas niya ng bahay ay naglakad na lamang siya papunta sa plaza para makatipid sa pamasahe. Nang madaanan niya ang Barangay Sta. Lucia ay nagtaka siya kung bakit maraming tao roon at may mga bumberong dumarating. Nang lumapit siya at nakipagsiksikan sa mga taong nagkakagulo ay nagulat siya ng makita ang mga dikit-dikit na bahay doon na nasusunog. At ang isa pang ikinagulat niya ay ang batang si Owen na nakaupo sa daan at humahagulgol ng iyak habang inilalabas ang bangkay ng mga magulang niya na natupok ng apoy!
Parang sinunog ang puso ni Arlene sa nasaksihan. Halos tumakbo na siya at nilapitan ang bata at niyakap. “Owen, hijo!” Nang mayakap niya ito ay yumakap din ito ng mahigpit sa kanya habang sinasambit ang kanyang mama at papa. Doon tuluyang pumatak ang mga luha ni Arlene sa kanyang mga mata. Hindi niya kadugo ang bata pero labis-labis siyang naaawa rito at hindi na siya nagdalawang isip na tulungan ito ngayong wala na itong mga magulang. Naisip niyang ampunin na lamang ang bata…
PAGKALIPAS ng mahigit sampung taon ay malaki na si Owen at nag-aaral ngayon sa isang sikat na unibersidad sa Maynila. Malapit na itong matapos sa kursong Education.
Habang kasalukuyan nitong ginagawa ang kanyang demonstration sa isang High School na malapit sa unibersidad na pinapasukan niya ay pinapanood siya ni Arlene na isa nang Principal ngayon at itinuturin na niyang ina.
Manghang-mangha si Arlene habang pinapanood ang binata kung paano ito magturo sa mga bata. Pati ang pananalita nito ng wikang Ingles ay napakalinaw at talagang nakakamangha. Nang matapos na ang demonstration ay pinalakpakan niya ito.
Nang makalabas na silang pareho ay niyakap niya ang binata at hinalikan sa pisngi.
“Ang galing mo nang magturo, anak! Mas magaling ka pang magturo kaysa sa akin noong mga panahong teacher pa ako,” natutuwang sabi ni Arlene.
“S’yempre naman, ‘Ma. Kanino pa ba ako magmamana kundi sa ‘yo lang,” nakangiting tugon naman ng binata. Sabay silang nagtawanan at muling nagyakapan.
Sino’ng mag-aakala na ang dating dukha ay magiging professional teacher na ngayon?
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento